Nagpahayag ng pasasalamat si senate president pro tempore loren legarda sa pagkilala ni pangulong ferdinand marcos jr sa climate change bilang isang mahalagang prayoridad ng bansa.
Sa 2nd state of the nation address, kabilang ito sa mga binanggit ni pangulong marcos na nais niyang tugunan dahil sa pabago-bagong panahon.
Pinuri ni legarda ang pangulo dahil na rin sa pagbibigay-diin sa circular energy, blue economy, single-use plastics, regional comprehensive economic partnership (rcep), at suporta sa livelihood and social services.
Sa pamamagitan aniya ng pagkilala sa kahalagahan nito, ang pangulo ay nagpaabot ng mensahe na ang bansa ay nakatuon sa pagtugon sa krisis na ito at pagtiyak din ng kapakanan ng publiko.
Ayon pa sa senadora, ang circular economy at blue economy ay mahalagang parte sa pagtugon sa climate change.
Ginagabayan aniya nito ang lahat tungo sa responsableng pamamahala ng yamang dagat.
Giit pa ni legarda, nakakapanibago na makitang binibigyang prayoridad ng pangulo ang mga hakbangin na ito at kilalanin ang potensyal na magsulong sa paglago ng ekonomiya habang pinangangalagaan ang kapaligiran.
Bukod dito, ang pagtutok ng pangulo sa pagbabawas ng mga single-use na plastic ay nagpapakita ng pangako sa pagprotekta sa ating kapaligiran at pagtiyak nang mas malusog at mas malinis na kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.