-- Advertisements --

Binigyang linaw ni Senate President Juan Miguel “Migz” F. Zubiri ang mga isyu na tinanong ng kanyang mga kasamahan sa panukalang Senate Resolution No. 485, na sumasang-ayon sa ratipikasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership Agreement (RCEP) 

Ipinaliwanag ni Zubiri nang detalyado ang mga benepisyong maaaring makuha mula sa kasunduan sa kalakalan. 

Sinabi ng mambabatas, na ang RCEP ay isang ASEAN-led free trade agreement (FTA) na pinagsasama-sama ang mga umiiral na regional free trade agreement sa isang moderno, komprehensibo at mataas na kalidad at isang mutually beneficial economic partnership agreement. 

Paliwanag nito, ito ay moderno dahil ina-update nito aniya ang saklaw ng umiiral na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) free trade agreement at isinasaalang-alang ang mga umuusbong na isyu sa kalakalan tulad ng electronic commerce, competition, intellectual property at government procurement. 

Ito ay komprehensibo dahil aniya ito ay sumasaklaw sa mga lugar ng kalakalan na hindi pa nasasakop noon tulad ng mga small and medium enterprises; mataas ang kalidad dahil sa antas umano ng commitment na nagbibigay ng higit na katatagan at predictability sa negosyo at mga namumuhunan. 

Ipinagmalaki naman ni Zubiri na aabot sa 1.4 milyong trabaho ang maibibigay para sa mga Pilipino hanggang 2031 sa sandaling maratipikahan ng Senado ang RCEP. 

Kabilang dito ang 308,000 para sa agriculture sector, 77,600 sa industrial sector at 991,700 sa services sector. 

Ipinaliwanag pa ni Zubiri na sa ilalim ng RCEP scenario, 73,000 na trabaho ang mabubuo sa unang taong implementasyon kasama ang 20,000 jobs para sa agri sector at halos 60,000 sa services sector. 

Aabot naman sa 203,000 na trabaho ang maibibigay sa ilalim ng RCEP sa ikalawang taong implementasyon at madaragdagan bawat taon. 

Sinabi naman ni Zubiri na habang tumatagal ang pagsanib ng Pilipinas sa RCEP, maraming merkado ang nawawala para sa mga produkto ng bansa. 

Ang RCEP ay isang free trade agreement sa pagitan ng mga bansa sa Asia-Pacific ng Australia, Brunei, Cambodia, China, Indonesia, Japan, South Korea, Laos, Malaysia, Myanmar, New Zealand, Pilipinas, Singapore, Thailand, at Vietnam.