CEBU – Pinabulaanan ng Senate blue ribbon committee chairman na may halong pamumulitika ang ginagawa nilang imbestigasyon sa drug recycling scandal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Senator Richard “Dick” Gordon, sinabi nito na hindi nila dinidiin si Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde dahil lang sa politika o sa kung anumang personal na rason.
Ayon kay Senator Gordon, bilang mambabatas at chairman ng Senate committee on justice and human rights, tungkulin nitong imbestigahan ang kwestyonableng anti-drug operation noong 2013 sa Pampanga kung saan dawit ang mismong PNP chief.
Inihayag ng senador na nirerespeto nila ang expose o rebelasyon ng dating Criminal Investigation and Detection Group chief at ngayo’y si Baguio City Mayor Benjamin Magalong kaya sila nag-iimbestiga.
Aniya, kampanya ng adminitrasyong Duterte ang puksain ang iligal na droga kaya hindi maaaring mismong mga police officers na inaasahang huhuli ng mga drug personality ay siya naman diumanong may kaugnayan sa iligal na transaksyon.
Giit ng mambabatas na ikinokonsidera nito ang pagbaba sa puwesto ni Albayalde bilang lider ng pambansang pulisya, ngunit batid nitong hindi niya puwedeng puwersahin ang heneral dahil dapat ay kusa itong ginagawa at hindi pinipilit.
Kaugnay sa kontrobersiya, hinikayat ni Senator Gordon ang mga pulis na gawin ng maayos ang trabaho at pananatilihin ang pagiging marangal at matapat sa kanilang serbisyo