Hindi na umano kailangan ng panibagong pagdinig ng Senado sa isyu ng pagkamatay ni Philippine Military Academy (PMA) Cadet Darwin Dormitorio.
Ito ang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson, kasunod ng tumitinding panawagan na magkaroon ng malalimang pagsisiyasat sa kaso at maamyendahan ang batas.
Ayon kay Lacson, hindi kailangan ng bagong batas o amyenda kundi angkop na implimentasyon na lamang ng batas.
“‘Yung law kasi hindi na kailangan. Ang law is very clear and this is a clear violation of the anti-hazing law as amended. They should not cross the threshold of punishing the plebes or trainees. Maliwanag naman yan,” wika ni Lacson.
Una nang ikinadismaya ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang pangyayari, dahil hindi pa raw halos makabangon ang mga anti-hazing groups sa pagkamatay noon ni Atio Castillo at iba pang biktima ng pagpapahirap.