Naniniwala ang Malacañang na maaga pa para pumasok ang Senado at imbestigahan ang umano’y balak ng mga Chinese investors na gamitin ang tatlong isla sa Pilipinas bilang economic at tourism zones.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, premature para maghain ng resolusyon si Sen. Rissa Hontiveros para imbestigahan ang naturang report dahil proposal pa lang ito.
Ayon kay Sec. Panelo, bagama’t isa ito sa mga nilagdaang agreement ng Pilipinas at China sa Second Belt and Road Forum, nananatiling kasunduan pa lang naman iyon.
Pero nauunawaan daw ng Malacañang na bahagi ng mandato ng Senado na magsagawa ng pagsisiyasat “in aid of legislation” sa mga isyu o bagay na dapat malinawan.
Kabilang sa Fuga Island sa Cagayan at Grande at Chiquita Ispands naman sa Subic Bay sa Zambales ang sinasabing mga islang pinag-iinteresan ng mga Chinese investors para gawing tourist at economic zones.
“Masyado naman yatang premature, allowed na kaagad, eh hindi pa nga eh. ‘Di ba proposal pa lang, gusto nilang mag-invest,” ani Sec. Panelo.