Tuloy ang Senate hearing ukol sa pagbibigay ng kalayaan sa ilang bilanggo sa national penitentiary, kahit sinabi na ni BuCor Dir. Nicanor Faeldon na malabong lumaya si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na isang convicted rapist at murderer.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, hindi lang ito tungkol kay Sanchez, kundi sa sistemang pinagdadaanan ng mga naihahanay sa palalayaing bilanggo.
Una nang naghain ng resolusyon para sa Senate inquiry si Senate Minority Leader Franklin Drilon, matapos silang masorpresa na ikinonsidera ang good conduct time allowance kay Sanchez, kahit nasangkot ito sa pagtutulak ng droga sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
Si Drilon ang nagpursige noong DoJ secretary pa siya para maipakulong ang dating alkalde.