ILOILO CITY – Naniniwala ang isang political analyst na ang pagsasagawa ng Senate inquiry ang siyang susi upang malaman kung totoo o hindi ang nilalaman ng viral na narco-list video na pinamagatang “Ang Totoong Narcolist.”
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Ramon Casiple, executive director ng Institute for Political and Electoral Reform (IPER), sinabi nito na maaaring ipatawag namang muli ng Senado si Presidential son at dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte upang magpaliwanag sa mga ibinabatong akusasyon sa kanya ng nagpakilang si “Bikoy” na dati umanong nagtatrabaho sa isang drug syndicate.
Ayon kay Casiple, hindi na bago ang pagdawit sa anak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa transaksyon ng iligal na droga kung saan dati na rin itong humarap sa senate inquiry noong 2017 hinggil sa kaugnayan umano nito sa $125-million drug shipment mula China.
Ngayong muli na namang nadawit ang pangalan ng dating bise alkalde sa bentahan ng iligal na droga, nararapat umano na buksan muli ng Senate Blue Ribbon Committee ang kanilang imbestigasyon upang maliwanagan ang lahat sa nasabing kontrobersiya.
Ani Casiple, seryoso ang nasabing akusasyon dahil ang pamilya ng pangulo ang idinadawit sa iligal na droga.
Ngunit ayon kay Casiple, madaling mag-imbento ng mga akusasyon lalo na at laganap ang fake news kaya’t kailangan ng matibay na ebidensya upang mapatunayan na may kaugnayan ito sa pagpasok ng iligal na droga sa Pilipinas.