CEBU CITY – Ikinatuwa ng ina ng magkapatid na Chiong ang seryosong imbestigasyon ng Senado tungkol sa mga anomaliya sa loob ng Bureau of Corrections (BuCor) lalo na ang kwestyonableng pagpapalaya ng mga kriminal sa bisa ng good conduct time allowance (GCTA) law.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mrs. Thelma Chiong, inihayag nito na matagal na raw problema sa lipunan ang nangyayari umanong kalokohan sa BuCor gaya lang ng pagiging lider umano ng mga mayayamang inmates sa New Bilibid Prison.
Aniya, isang malaking hakbang sa gobyerno ang serye ng imbestigasyon sa mataas na kapulungan ng Kongreso upang ituwid ang mga pagkakamali ng nasabing ahensya.
Kung maalala ay kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ang pagsuko ng dalawa pang convicts sa Chiong rape-slay case na sina Josman Aznar at James Anthony Uy nitong Miyerkules ng gabi.
Samantala, ikinagalit naman ni Mrs. Chiong ang pagbibigay ng simpatiya sa isa pang suspek sa pagpaslang sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong na si Paco LarraƱaga, na kasalukuyang pinagsisilbihan ang sentensya nito sa Spain.
Iginiit din ina ng magkapatid na isang malaking kasinungalingan ang mga pahayag ni LarraƱaga sa isang dokumentaryo.