-- Advertisements --

Tinapos ni Senator-elect Robin Padilla ang kanyang talumpati sa pagproklama ng mga winning senators sa pangunguna ng Commission on Elections (Comelec) sa pagbanggit ng titulo ng sikat na awitin ni Eric Clapton na “Wonderful Tonight.”

Bilang huling nagbigay ng thank you speech, nagpalakpakan ang mga bisita sa command center ng Comelec na Forum Tent ng PICC sa Pasay City.

“It’s late in the evening, I feel wonderful tonight,” ani Padilla, na naging tatak na ang pagkanta sa kanyang mga campaign sorties na sinasalihan.

Sa bungad pa lamang ng kanyang talumpati ideniklara na ni Binoe ang kanyang pagkilala sa karangalan na mapabilang daw “sa isang halalan na nagpapakita ng isang napakalinis na halalan.”

robin padilla 1

Batay sa huling tally ng Comelec o NVOC, si Padilla ay nakatipon na ng boto na umaabot sa 26,612,434.

Siya ang tinanghal na No. 1 sa 63 na mga kandidato na tumakbo sa pagka-senador.

Tumakbo siya sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) at guest senatorial candidate ng Marcos-Duterte Uniteam line-up.

Espesyal na binanggit ni Padilla ang mga Muslim at Christian communities na ayon sa kanya ang panalo niya ay simbolo ng pagkakaisa ng dalawang relihiyon.

Si Padilla ang unang Filipino Muslim na naging senador makalipas ang 30 taon.

Huling umupo sa Senado noon ay si dating Senator Santanina Tillah Rasul ng Sulu na naglingkod hanggang taong 1992.

Sa kanya ring pahayag, pinasalamatan din ni Padilla ang iba pang mga relihiyon tulad na lamang ng INC na bomoto sa kanya.

“At inyo pong binigyan ng pagkakataon ang inyong mga kapatid,” wika pa ni Padilla na pamilya rin ng mga politiko. “Lahat po kayo ipinakita niyo ang pagbubuklod nating mga Pilipino at inyo pong itinaas ang mga kapatid ninyong Muslim sa matagal nang panahon ay humihingi ng pansin.”

Samantala mismong si Comelec Chairperson Saidamen Pangarungan ang nagpakilala kay Padilla at tinawag pa nito ang Islamic name ng actor na Abdulaziz.

“As an incoming senator, he has expressed this desire to improve the wages of employees specifically teachers and healthcare workers,” pahayag pa ni Pangarungan.

Samantala ang iba pang naproklama at personal ding dumalo sa aktibidad ay sina Loren Legarda, Raffy Tulfo, Sherwin Gatchalian, Chiz Escudero, Mark Villar, Alan Peter Cayetano, Miguel Zubiri, JV Ejercito, Joel Villanueva, Risa Hontiveros at
Jinggoy Estrada.

Liban naman kay Chairman Pangarungan, ang ibang mga members ng Commission en banc na nagpalita-palitan sa pagpresenta ng Certificate of Proclamation sa mga winning senators ay sina Commissioners Socorro Inting, Marlon Casquejo, Aimee Ferolino, Rey Bulay, Aimee Neri at George Garcia.