ILOILO CITY-Pinatotohanan ng dating senate whistleblower at dating rebelde na si Jeffrey Celis, alyas Ka Eric Almendras na mga rebelde ang mga napatay at naaresto sa pagsilbi ng search warrant sa Tapaz, Capiz at Calinog, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Celis, na ngayon ay tumatayo bilang consultant ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), sinabi nito na bilang isang rebelde, mismo siya ang makapagpatunay na ginagawang kuta ng mga rebelde ang nasabing mga lugar na pinangyarihan ng insidente.
Tinawag din ni Celis na terorista ang mga kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na nasa Tapaz, Capiz at Calinog, Iloilo.
Aniya, nais na palabasin ng pamilya ng mga namatay na martyr ang mga ito ngunit ang totoo ay gumagawa ang mga ito ng mga karahasan.
Maging ang National Commission on Indigenous Peoples ang makapagpatunay na hindi tumatayong kinatawan ng mga Indigenous Peoples ang nasabing mga rebelde.