Muling nagpahayag ng pagkadismaya si Senate Committee on Agriculture and Food Chairperson Senator Cynthia Villar sa patakaran ng Department of Agriculture (DA) sa pag-aangkat.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on agriculture, food and agrarian reform sa isinusulong na panukalang batas para sa pagpapaunlad ng industriya ng mais sa bansa o ang Yellow Corn Bill, sinabi ng Senadora sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) na ang ahensiya ay tinatag na bilang “Department of Importation” dahil sa kakulangan ng developmental programs para sa mga lokal na magsasaka at patuloy na pag-depende sa importasyon.
Ginawa ng mambabatas ang nasabing pahayag kasabay ng pagpresenta ng datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa suplay at demand ng mais mula 2019 hanggang 2022.
Aniya, nag-aangkat ang bansa ng yellow corn at trigo mula 2019 hanggang 2022 at nagkaroon ng surplus sa mga produktong ito maliban noong 2022.
Saad pa ng Senadora na ang intensiyon ng isinusulong na batas ay makapag-produce ng mais upang hindi na mag-angkat at ibenta sa competitive price.
Pinaalalahanan din ng mambabatas ang DA na ang mandato nito ay tiyakin ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at hindi ng mga importer.
Sa pagdinig, sinabi naman ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na sinusuportahan ng ahensya ang Senate Bill 120, na naglalayong paunlarin at isulong ang industriya ng yellow corn upang mapahusay ang pagkakaroon ng abot-kaya at de-kalidad na mga feed at para magbigay corn competitiveness enhancement fund.
Inirekomenda ng DA ang pagsama sa probisyon sa price support para sa corn farmers para matugunan ang isyu sa mababang farm gate price lalo na tuwing harvest season.
Nang tanungin naman ni Senator Villar kung ano ang kinakaharap na problema ng industriya ng mais sa kasalukuyan, sagot ng DA official na isa dito ang kawalan ng harvest facilities at mababang taunang pondo dahil nakatutok aniya ang pamahalaan sa produksiyon ng bigas sa nakalipas na taon.
Ayon pa kay De Mesa na sa nakalipas na 10 taon, naglaan ang DA ng nasa P1 billion subalit tinaasan ito sa mahigit P5 billion para ngayong 2023 na gagamitin para sa production support para sa seeds, pataba at irigasyon.
Subalit hindi naman naniniwala si Senator Villar na siyang nag-iisponsor sa pondo ng DA sa nakalipas na mga taon na walang pondo ang ahensiya para sa corn industry.