Hindi nangangamba si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa war on drugs ng Pilipinas.
Magugunita kasi na si Dela Rosa ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na nanguna sa kampaniya laban sa iligal na droga sa bansa sa ilalim ng Duterte administration na kasamang inakusan ng crimes against humanity ng mga biktima at kamag-anak ng tinawag na extra-judicial killings kaugnay sa brutal na war on drugs sa bansa.
Iginiit ng Senador na nasa gobyerno na kung papayagan ang pangingialam umano ng international court sa internal affairs ng ating bansa. Patuloy naman aniyang itinatanggi ng pamahalaan ang access sa pagpapatuloy ng imbestigasyon dahil gumagana naman ang judicial system ng bansa.
Una ng inihayag noon ng Senador na handa siyang harapin ang mga akusasyon laban sa kaniya.
Sa datos noong Abril 30, 2022, nasa 6,248 indibidwal ang napaulat na namatay.
Subalit ayon sa human rights organizations at watchdogs na mas marami pa dito ang nasawi sa drug war na nasa mahigit 20,000.