-- Advertisements --
Imee Marcos
Senator Imee Marcos

Nananawagan ngayon si Senator Imee Marcos na maideklara sa Negros Oriental ang state of emergency para sa mabilis na pagkakaresolba ng pagpatay kay Governor Roel Degamo at walong iba pa.

Sinabi ni Marcos na nakatrabaho si Degamo sa Governors’ League noong gobernador pa ito ng Ilocos Norte na dapat umanong ma-lockdown ang Negros Oriental para hindi makaalis sa naturang probinsiya ang mga suspek sa naturang krimen.

Aniya, kailangan na umanong matigil at mahuli ang mga suspek hindi lamang ang mga hitmen o mga pumatay kundi pati ang utak sa krimen maging ang mga paymaster at sino mang kasabwat sa krimen.

Umaasa naman si Marcos na makikipagtulungan ang mga naarestong suspek sa mga otoridad para makilala na ang mga indibidwal na responsable at nasa likod ng pag-atake sa mismong bahay ng gobernador noong umaga ng Sabado.

Samantala, nagbigay naman ng tribute si Marcos sa dating nitong kasamahan.

Aniya, malaki daw ang kontribusyon at naging papel ni Governor Roel para sa local peace talks sa New People’s Army (NPA) sa pamamagitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Naging concern din umano ng gobernador ang isyu sa fisheries at ang restoration ng old Fisheries Code sa ilalim ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Nakatakda din ang senador na bumisita sa probinsiya sa Marso 28 at pangungunahan ang pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation kasama sana si Degamo.

Ang programang ito ay para sa mga single mothers, persons with disabilities at senior citizens.

Kung maalala, inihahanda ni Degamo at ng kanyang mga opisyal ang cash assistance mula sa opisina ng senadora nang pasukin ng mga armadong mga indibwal ang kanyang residential compound sa bayan ng Pamplona.