Naniniwala si Senador JV Ejercito na walang kinalaman si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa anumang destabilization plot laban sa administrasyong Marcos.
Ginawa ng Senador ang pahayag na ito sa gitna ng mga pag-atake na natatanggap niya at ng iba pang mga mambabatas online.
Iginiit ni Sen. Ejercito na marami sa mga umaatake sa kanya at sa iba pang mga senador online dahil sa pagiging vocal ng mga ito laban sa China ay pawang mga influencer na tinukoy mula sa nakalipas na administrasyon.
Ngunit pagkaklaro naman ng Senador na wala silang iringan ni dating Pangulong Duterte.
Nagulat naman ang Senador dahil naging pro-China ang dating supporters ng nakalipas na admin. Sa kabila nito umaasa ito na mapagtanto ng mga ito na kinakasangkapan lamang sila para sa umano’y destabilization efforts.
Pero hindi naman aniya nangangahulugan ito na sangkot sa anumang destabilization efforts si dating Pang. Duterte o hinihikayat nito ang kaniyang mga tagasuporta.
Naniniwala pa rin ang Senador na mahal ng dating Pangulo ang bayan at batid nito na hindi makakabuti sa bansa ang ganitong mga bagay at nagawa na nito ang kanyang parte nang namumuno pa ito.
Samantala, iginiit ng Senador na ang mga naunang alegasyon ng orchestrated attack na ito online laban sa ilang mambabatas ay pinondohan ng China para ilihis ang atensyon mula sa mga hindi pagkakaunawaan sa West Philippine Sea.
Bahagi rin aniya ng plano ay kumbinsihin ang ilang mga retiradong opisyal ng militar na sumali sa umano’y mga hakbang sa destabilisasyon.
Kung maalala, maging si dating Pangulong Duterte ay nagtaka kung bakit nadadawit ang kanyang pangalan sa umano’y nilulutong destabilisasyon laban sa administrasyong Marcos.
Kung saan nag-ugat ang naturang kontrobersiya noong nakaraang buwan nang binalaan ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang mga kasundaluhan laban sa pagsali sa anumang destabilization scheme laban sa gobyerno.