-- Advertisements --
image 79

Nagprotesta si Sen. Robinhood “Robin” Padilla sa hindi angkop na paglalarawan sa banal na Ka’aba bilang pet stroller o cart sa isang pet fashion show sa isang mall sa Quezon City kamakailan.

Sa isang liham sa management ng mall, ipinahatid ni Padilla na ang Ka’aba ay isang pinagpalang istraktura na may malaking kahalagahan sa pananampalatayang Islam – at bilang sagradong lugar sa panahon ng mga relihyosong paglalakbay.

“Bagama’t malinaw mula sa audio ng nasabing video na walang intensyon na bastusin ang banal na Ka’aba, ang akto ng paggamit ng sagradong istraktura bilang pet carrier ay nakasakit po sa damdamin ng mga may paniniwalang Islam,” ani Padilla sa kanyang liham.

Si Padilla na isang Muslim ay chairman ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs.

Ipinaalala rin ni Padilla na ang Ka’aba ay binuo ni Propeta Abraham at ng kanyang anak na si Propeta Ishmael upang maging bahay ng pananampalataya para sa buong sangkatauhan.

“Ang pangyayaring ito nawa ay maging oportunidad upang mas mapalawak pa ang kaalaman ng bawa’t isa tungkol sa iba’t ibang pananampalataya, tulad ng napakagandang intensyon sa likod ng pagkakatayo ng banal na istraktura na ito.”