Nananawagan ang isang Senador na maipasa na ang panukalang batas na naggagarantiya ng mas pinalakas na proteksiyon para sa mga delivery rider.
Ito ay matapos na matagpuang wala ng buhay ang isang delivery driver na si Noel Escote habang nagpapahinga ito sa kaniyang motorsiklo sa Pasig city nitong weekend.
Base sa police report, walang nakitang external injury sa cursory examination sa katawan ng nasawing delivey driver.
Sinabi ni Senator Risa Hontiveros na dapat magsilbing wake up call ito sa kapwa mambabatas ng lehislatura na agarang matugunan ang nakabinbing mga panukala para matiyak ang karapatan at kapakanan ng tumataas na bilang ng gig economy workers na kinabibilangan ng mga delivery riders at freelancers.
Hiniling din ng Senadora sa isang delivery at courier service provider sa bansa na kompaniyang pinagtratrabahuan ni Escote na tulungan ang pamilya ng nasawing rider.
Ibinunyag din ng Senadora na nakatanggap ang kaniyang opisina ng sulat mula sa pamilya ni Escote na humihiling ng assistance.
Inilarawan ng Senadora si Noel na isang halimbawa ng Pilipino na nagsusumikap para matulungan ang kaniyang pamilya.
Una rito, inihain ng Senadora ang Senate Bill No. 1373 o ang Protektadong Online Workers, Entrepreneurs, Riders at Raketera or POWERR Act na layong maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng gig economy workers.
Sa ilalim ng naturang panukalang bata, ang mga kwalipikadong manggagawa ay maaaring ma-enrol sa government social protection programs gaya ng Philhealth, SSS, Pag-ibig at iba pa. Ang mga online platforms ang siyang liable para sa injuries na natamo ng manggagawa sa paggampan ng kaniyang trabaho lalo na ng delivery riders.