TUGUEGARAO CITY- Hindi naniniwala si Senator Cynthia Villar na P7 hanggang P8 na lang ang bilihan ng palay ng mga magsasaka sa bansa matapos na ipatupad ang Rice Tarrification Law.
Sinabi ni Villar na batay sa datus ng Philippine Statistics Authority, P17 pa rin ang bilihan ng palay.
Naniniwala si Villar na ginagawa ito ng ilang cartel na nawalan ng negosyo dahil sa nasabing batas.
Dito sa Region 2, sinabi ng mga magsasaka na na P11- 12 ang pagbili sa kanilang mga palay kaya malaki na ang nalulugi sa kanila buhat ipatupad ang Rice Tarrification Law.
Subalit, iginiit pa ni Villar, may akda ng Rice Tarrification Law na mahalaga ang batas dahil ang layunin nito ay maibaba ang production cost sa pagtatanim ng palay sa P6 tulad sa Vietnam upang maging competitive ang bansa sa rice industry.
Ayon sa kanya, ang layunin ng batas ay para makalikom ng pondo mula sa buwis sa mga inaangkat na bigas na ang mga magsasaka din ang makikinabang sa pamamagitan ng farm mechanization.
Bukod dito, sinabi niya na may ginagawa na ring hakbang ang pamahalaan upang matulungan ang mga magsasaka tulad ng ibinibigay na loans ng Department of Agriculture na walang interes at ang pagpapautang ng Land Bank sa local government units para ipambili ng palay ng mga magsasaka sa kani-kanilang mga lugar.
Sinabi ni Villar na sa ngayon ay hindi pa ramdam ang positibong epekto ng Rice Tarrification Law.
Samantala, tinawag naman ng grupong “Bantay Bigas” na walang puso si Villar.
Ito ay dahil sa tanging ginawa ni Villar matapos na mapakinggan ang mga hinaing ng mga magsasaka ay atasan ang National Food Authority na bilhin ang mga palay ng mga magsasaka.
Subalit, sinabi Cathy Estabillo ng nasabing grupo na sa Implementing Rules and Regulations ng RTL, wala sa mandato ng NFA ang pag-regulate sa presyo ng bigas sa merkado.
Ayon sa kanya, ang binibili na lang ng NFA na palay at para sa kanilang buffer stock para sa panahon ng kalamidad at iba pang emergencies.