Inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) na lolobo o dadami ang mga pangalan na mailalagay sa balota para sa 2025 midterm elections.
Ito ay dahil sa ruling ng Korte Suprema na hindi maaaring ideklara ng poll body na nuisance candidate ang isang tumatakbo dahil lamang hindi siya kilala o walang financial capacity na maglunsag ng pangangampanya.
Bagama’t inaasahan ng poll body ang paglobo ng mga pangalang mailalagay sa balota, at lumiit ang dahilan para madeklara na nuisance candidate ang isang kumakanddato , sinabi ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na sasalain nila ang mga naghahain ng kandidatura kung ano ang actuation o nag-udyok para siya ay tumakbo at kung naiintindihan daw ba nila ang dahilan ng kanilang pagkandidato.
Kasama sa mga sisilipin ng komisyon ang mga nagtatalumpati na mga aspirants sa 2025 elections kung saan ang ilan ay nadeklara na noon na nuisance candidate.
Kailangan aniyang makatotohan ang alegasyon kung bakit nila nasasabi na wala itong bonafide intentions.
Kanina, muling naghain ng kandidatura sa pagkasenador si Betsaida Lopez matapos ideklara ng Comelec na nuisance candidate noong mga nakaraang ekelsyon.
Nagbanta si Lopez na kapag hindi raw siya payagan ng poll body na makatakbo sa susunod na taon ang lahat ng sangkot aniya ay isusumpa niya.
Nang matanong si Laudiangco kung kasama ang mental capacity sa e-examine ng Comelec para masuri kung ang kumakandidato ay kwalipikado para madeklarang nuisance candidate, sinabi nitong dapat ikonsulta iyon sa mga eksperto.
Una nang inamin ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na humaharap ang komisyon sa maraming complaint sa Korte Suprema mula sa mga kandidatong nagreklamo na iniuri bilang panggulo o nuisance.
Paliwanag naman ni Garcia na base sa nagdaang ruling ng korte, nagbigay na ito ng gabay sa poll body kung paano nila ipoproseso ang mga maghahain ng kandidatura ngayong taon.
Aniya, ang mga kandidatong na-tag bilang nuisance ay ipapatawag at bibigyan ng pagkakataong magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat tawaging pang-gulo lamang sa halalan.