-- Advertisements --
Linconn Ong arrested

Ipinag-utos na ng Supreme Court (SC) sa Senado na sagutin ang petisyong inihain ng kampo ni Pharmally Pharmaceutical Corporation director Linconn Ong kaugnay pa rin sa pagkakaditine nito sa Senado.

Sinabi ni SC Spokesman Brian Hosaka, sa direktiba raw ni Chief Justice Alexander Gesmundo, kailangan daw ng mga respondent sa reklamo na magkomento sa main petition at ang request para sa temporary restraining order (TRO).

Kabilang sa mga respondents sa petisyon sina Senate Blue Ribbon committee Chairperson Senator Richard Gordon, Senate President Vicente Sotto III at retired Major General Rene Samonte ng Senate sergeant-at-arms.

Kung maalala, noong Oktubre 7 ay naghain ng petisyon ang legal counsel ni Ong na si Atty. Ferdinand Topacio na palayain ang kanyang kliyente mula sa kustodiya ng Senado.

Si Ong ay nakaditine sa Senado noon pang Setyembre 21 matapos itong i-contempt dahil sa pag-iwas nitong sumagot sa katanungan ng mga senador sa kanya.

Ang isyu ay nag-ugat sa sinasabing overprice na medical supplies na binili ng pamahalaan sa Pharmally sa kasagsagan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic noong nakaraang taon.

Sa hiwalay namang statements, tiwala si Sotto at Senate Minority Leader Franklin Drilon na kakatigan ng kataas-taasang hukuman ang order na nag-uutos na ikulong sa Senado si Ong.

Sinabi ni Sotto na mayroon na rin umanong mga desisyon at jurisprudence na na-establish ang Korte Suprema na pumapabor sa Senado sa kaparehong aspeto.