Nagkaisa sina Senate committee on justice chairman Sen. Richard Gordon at Sen. Panfilo Lacson sa hamon kay Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na linisin na lang ang kanilang hanay kung hindi nito magagawang magbitiw.
Ayon kay Lacson, dapat sikapin ni Albayalde na mabura ang dudang nalikha ng isyu ng “ninja cops.”
Kung mananatili raw ang police chief sa tungkulin, dapat nitong agad aksyunan ang kaso ng kaniyang mga dating tauhan na hayagang nagsinungaling, mula sa oras ng operasyon, koordinasyon at ginamit na pera sa buy bust sa bahay ni Johnson Lee.
“…Dapat kung pwedeng itong remaining 30-plus days ipakita niyang mabilis maresolba ang reinvestigation na sinasagawa. Tutal wala nang masyadong ebidensyang kailangan doon naroon lahat na dokumento. Madaling i-decide kung nagsinungaling ba si Baloyo,” wika ni Lacson.
Para naman kay Gordon, bagama’t walang direktang ebidensya laban kay Albayalde, nakitaan nila ng kapabayaan ang opisyal sa mga hawak nitong tauhan.
Maging ang pagtawag nito kay PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino ukol sa kaso ng mga nasasakupan nito ay labis ding ikinadismaya ng mga mambabatas.