Umaani ng magkakaibang reaksyon mula sa hanay ng mga senador ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo bilang “anti-drug czar.”
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, hangad niyang tanggapin ng pangalawang pangulo ang naturang tungkulin para maipakita nito ang mas epektibong paglaban sa isyu ng droga sa Pilipinas na taliwas sa estilo ngayon ng administrasyon.
Para kay Sen. Sherwin Gatchalian, pagkakataon ito ng bise presidente para makagawa ng sariling mga hakbang sa isyu.
Sa panig naman ng opposition senators, una nang tinuran ni Sen. Risa Hontiveros na malaking pagbabago ang mangyayari kung si VP Leni ang mangunguna sa kampanya laban sa droga.
Habang sa hiwalay na pahayag, naniniwala si Sen. Leila de Lima na nais lamang daw ipasa ng Malacanang sa bise presidente ang kapalpakan ng “war on drugs” kaya nabuo ang mungkahing gawing anti-drug czar si Robredo.
Sa huli, hinamon ni Sen. Bong Go si VP Robredo na tanggapin na ang inihahaing posisyon ni Pangulong Duterte, upang makita nito ang tunay na sitwasyon ng bansa at maipamalas ang kakayahan sa pagsugpo ng talamak na drug issue sa Pilipinas.
“I challenge VP Leni to accept the job. Malay mo, Ma’am, kaya mo iyan. Nang makita mo po kung ano ang trabaho ng Presidente. Subukan mo up to the last day of your term …Tignan natin kung makakatulog ka pa,” wika ni Go.