-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine Air Force (PAF) na isasagawa ang send-off ceremony para sa Philippine Contingent for Humanitarian Assistance and Disaster Response Mission na ipapadala sa Myanmar, bukas, araw ng Martes, primero ng Abril.

Ito ay kasunod ng tumamang magnitude 7.7 na lindol sa naturang bansa noong araw ng Biyernes, Marso 28.

Ayon sa PAF, isasagawa ang seremoniya sa Base Operations, Colonel Jesus Villamor Air Base sa lungsod ng Pasay bandang alas-4 ng umaga, bukas.

Nauna ng inihayag ng Office of the Civil Defense sa isang statement noong Sabado na nasa kabuuang 114 personnel ang nakatakdang ideploy ng Pilipinas sa Myanmar kabilang ang medical at search and rescue teams. Magtatagal ang mga ito para sa dalawang linggong misyon.

Una na ngang sinabi ng pamahalaan noong Sabado na inihahanda na nito ang pagbibigay ng humanitarian assistance sa Myanmar kasunod ng tumamang magnitude 7.7 na lindol noong Biyernes na kumitil na ng 1,700 katao, 3,400 ang naitalang sugatan at mahigit 300 ang nawawala habang umakyat na sa 18 katao ang namatay sa Bangkok, Thailand at 76 construction workers ang patuloy na pinaghahanap kasunod ng pagguho ng mataas na gusaling kanilang ipinapatayo.

Nananatiling unaccounted naman ang apat na Pilipinong napaulat na nawawala matapos tumama ang malakas na lindol.