Arestado ng pinagsanib na pwersa ng PNP at AFP ang isang senior leader, logistic officer at dalawang iba pang miyembro ng Abu Sayyaf sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Zamboanga City nitong weekend.
Ayon kay PNP chief Gen. Camilo Cascolan ang pagkaka-aresto sa mga terorista ay bunga ng pinaigting na na operasyon ng PNP anti-terror unit.
Sinabi ni Cascolan, unang naaresto nitong Biyernes, October 9, nang pinagsanib na pwersa ng Police Regional Office 9, Special Action Force at CIDG si Kadija Sadji ang logistic officer at malapit kay ASG leader Mundi Sawadjaan.
Maliban dito, nahuli rin si Abdulman Sarrapudin at Jailani Al-Rafee Sakandal.
Si Sakandal ay active member ng Philippine Coast Guard na may ranggong Apprentice Seaman.
Nakuha sa kanila ang mga matataas na kalibre ng baril, IED, IED components at isang ISIS flag.
Iniulat din ni Cascolan na naaresto kahapon ng pulis katuwang ang Western Mindanao Command sa Zamboanga City si Hassan Mohammad alyas USI na senior leader ng ASG na sangkot sa kasong kidnap for ransom.
Siya naman ang sinasabing malapit kay Radulan Sahiron at kasamang nagtatago ni Sawadjaan.
Pinuri naman ni Cascolan ang anti-terror unit ng PNP sa pamumuno ni BGen. Edgar Monsalve sa matagumpay nitong operasyon.
Naniniwala si Cascolan na hirap na ang grupo ni Sawadjaan dahil sa pag aresto sa mga key leaders nito.