CEBU CITY – Agad nakipag-ugnayan ang Bombo Radyo Cebu sa Cebu City Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) upang i-rescue ang isang lalaking senior citizen na nagpalaboy-laboy sa bahagi ng South Road Properties (SRP), sa lungsod ng Cebu.
Una nito, dumulog sa himpilan ang isang concerned citizen na si Jillmax Calusor dahil sa kalagayan ng naturang lalaki na si Conrado Delantar, isang residente mula sa Brgy. Labangon ng nasabing lungsod.
Ayon kay Calusor na naabutan nya si Delantar na nakaupo at nagmumukmok na lamang sa lugar kaya naman nag-aalala ito sa kanyang kaligtasan.
Dagdag pa ni Calusor, nanghihina ang naturang lalaki at kinailangan nito ang aruga ng kanyang mga anak.
Rumesponde naman ang Bombo Patrol na may dalang ambulansya mula sa Cebu City Disaster Team upang iligtas si Delantar at pansamantalang ilagay sa mas ligtas na lugar.
Ayon sa team leader na si Ms. Jay-Ann ng Cebu City Disaster Team normal naman ang vital signs nito ngunit nahirapan sila sa pag-assess dahil paiba-iba umano ang sagot ng matanda.
Dinala muna si Delantar sa Mambaling Police Station at nakatakda naman itong i-turnover sa DSWD.
Ipinanawagan na rin ito kung sino ang mga kakilala o kamag-anak.