CEBU CITY – Boluntaryong sumuko sa mga otoridad ang isang miyembro ng communist terrorist group sa Ubay, Bohol makalipas ang ilang taong pagtatago nito sa nasabing lugar.
Kinilala ang 61-anyos na sumuko na si Salvador Golosing Avenido na gumagamit ng alyas “Admiral,” “Samuel,” at “Sadu.”
Sakop ito ng Sandatahang Yunit Propaganda/Alyansang Yunit Propaganda platoon ng Bohol Party Committee.
Kinilala si Avenido na organizer at territorial leader sa Hugpong Mag-uuma Bol-anon, Kilusang Mag-uumang Pilipinas (Humabol-KMP), na sangay ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM).
Ibinunyag pa nito na siya ang bumuo sa grupo ng mga magsasaka at mangingisda kabilang ang PAFFO, BFFO, USOFO, ASFA at NAGMASAJO.
Dagdag pa nito na sumapi siya sa Abe squad front 4 ng NPA na nag-operate sa Bohol noong Setyembre taong 2001.
Samantala, makakatanggap naman ito ng ayuda mula sa gobyerno kabilang na ang livelihood program at ang pangakong susuportahan ito ng lokal na pamahalaan sa lalawigan.