LAOAG CITY – Inihayag ni P/Cpt. Jofel Pascual, chief of police sa bayan ng Vintar, na bandang alas-singko ng hapon noong Oktubre 9 ay natagpuan ang bangkay ng isang nawawalang senior citizen matapos tangayin ng agos sa ilog ng Brgy. Isic-Isic, sa bayan Vintar dito sa lalawigan ng Ilocos Norte noong Oktubre 8.
Kinilala ang biktima na si Nelson Laureta, 77 taong gulang, may-asawa, at residente ng Brgy. Isic-Isic sa nasabing bayan.
Ayon kay P/Cpt. Pascual, habang nagsasagawa sila ng Search and Retrieval Operation, may nakita silang ulo na lumulutang malapit sa isang tulay.
Batay sakanilang imbestigasyon, nalaman na tumawid ang biktima kasama ang kanyang kalabaw, ngunit tila nadulas ito, na naging dahilan ng kanyang pagkalunod at nahatak ng agos ng ilog.
Aniya, natagpuan ang bangkay ng biktima sa layong humigit-kumulang 3 kilometro mula sa lugar kung saan siya inanod hanggang sa sa Sitio Bato.
Dagdag ni Pascual, itinigil ang paghahanap bandang alas-dose ng hatinggabi noong Oktubre 8 dahil sa malakas na ulan at mabilis na agos ng tubig.
Subalit, wala umanong nakitang palatandaan ng foul play ayon sa mga doktor na sumuri sa katawan ng biktima.
Umabot naman sa 24 na oras ang pagsasagawa ng search and retrieval operation para mahanap ang biktima.
Dagdag pa ni P/Cpt. Jofel Pascual, ang bangkay ng biktima ay kasalukuyang nasa punerarya na.
Patuloy din ang paalala ng PNP sa mga residente na iwasan ang pagtawid sa mga ilog, lalo na kapag malakas ang ulan, upang maiwasan ang mga ganitong insidente.