Posibleng pumalo pa sa 800,000 senior citizens ang “waitlisted” o hindi garantisadong makatatanggap ng buwanang P1,000 social pension mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa susunod na taon.
Ito ang sinabi ni Senadora Imee Marcos sa plenary deliberations ng panukalang pondo ng DSWD para sa 2025.
Sa ngayon, ayon kay Marcos, nasa 622,000 ang mga waitlisted senior citizens ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang buwanang pensyon.
Dahil dito, tinanong ni Senadora Loren Legarda kung may nakalaan na bang pondo sa susunod na taon para sa mahigit 600,000 waitlisted senior citizen.
Pag-amin ni Marcos, wala pa ring pondo sa mga waitlisted para sa 2025 dahil ito pa rin daw ang mga nakabinbin noon pang 2023 at ngayong taon.
Tiniyak naman ng senadora na tuluy-tuloy na nakatatanggap ng buwanang pensyon ang mga dati ng senior citizen na nasa listahan ng DSWD.
Kung mayroon mang hindi nakatatanggap sa mga dati na ay posibleng delayed lang ito.
Batay sa proposed budget ng DSWD para sa 2025, sinabi ni Sec. Rex Gatchalian na P5.5 billion ang inilaan para sa mga waitlisted seniors.
Gayunpaman, ang halaga ay nasa unprogrammed budget na depende sa pagkakaroon pa ng pondo.
Ang kasalukuyang P49-bilyong alokasyon ay sapat lamang para sa 4 na milyong indigent senior citizens.