BACOLOD CITY – Patay ang isang senior citizen habang sugatan ang limang iba pa matapos mabangga ng isang SUV ang isang Ceres Liner Bus Purok Saging, Brgy. Poblacion 2, Sagay City kahapon ng hapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Chief Master Sergeant Leandro Juarez, hepe ng Sagay City Police Station, papunta sa Bacolod City ang ceres bus na minamaneho ni Ramonito Bagayo, 38 anyos at residente ng Escalante City nang matanaw nito sa malayo ang Ford Everest na minamaneho ni Dr. Charlotte Macasling, 42 anyos, isang dentista sa Escalante City Health Office at residente ng nasabing ciudad, na bumabyahe mula sa kabilang direksyon kaya tinigil nito ang sasakyan.
Ayon kay Juarez, nakatulog si Macasling habang nagmamaneho dahil kung bakit naagaw nito ang lane ng ceres bus at nagresulta sa head-on collision.
Dahil sa lakas ng impact at sa posibilidad na hindi nakasuot ng seatbelt ang ina ni Macasling na si Asunsita Brion, 77 anyos, agad itong binawian ng buhay.
Sugatan naman si Macasling at ang isa pang kasama nito sa sasakyan na si Jessa Mae Nicos.
Habang, ayon sa hepe, sa sampung mga pasahero ng ceres bus, tatlo ang nakakuha ng minor injuries.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Sagay City Police Station ang sasakyan para sa kagaragdang verification.