NAGA CITY- Patay ang isang lolo matapos pagsasaksakin sa Nabua, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Jesus Patidio, 68-anyos, residente ng naturang bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na boluntaryong sumuko ang suspek na kinilalang si Domingo Velarde sa kaniyang biyenan na isang barangay kagawad at inamin na siya ang may kagagawan sa krimen.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na dahilan ng kaniyang agarang kamatayan.
Samantala, kasama sa pagsuko ng suspek ang 13 inches kitchen knife na ginamit nito sa krimen habang narekober pa ang isang steel pipe na nasa 27 inches.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek habang inaalam pa ang motibo sa naturang krimen.