LAOAG CITY – Patay ang isang senior citizen matapos uminom ng insecticide sa Brgy. Baoa West sa lungsod ng Batac dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Police Lieutenant Colonel Adrian Gayuchan, ang Hepe ng Philippine National Police sa nasabing lungsod, na kinilala ang biktima na si Dionicio Palada Jr., 68 anyos at residente sa nabanggit na lugar.
Nakita aniya ng isa sa mga apo ng biktima na si Kenneth Palada, 23 anyos, magsasaka at residente ng parehong barangay ang kanyang lolo at agad na humingi ng tulong sa kanyang mga kapitbahay.
Aniya, nakita ni Kenneth ang isang transparent plastic container na naglalaman ng asul na “Lanit” na pestisidyo malapit sa katawan ng biktima na tinungga umano nito dahilan ng kanyang kamatayan.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Gayuchan na may binanggit ang biktima sa kanyang pamilya kung saan sinabi niyang may sorpresa siya para sa kanila.
Gayunman, hindi aniya inisip ng pamilya na ito ang supresa na tinutukoy ng biktima.
Aniya, hindi na umabot nang buhay ang biktima nang dalhin ito sa ospital ayon kay Dr. Celeste Abundo, ang City Health Officer sa lungsod ng Batac.
Hindi umano niya matukoy kung gaano karaming insecticide ang nainom ng biktima.
Dagdag pa niya, nakararanas ng depression ang biktima dahil sa matinding gout nito.
Samantala, nabatid na ito ang unang beses na ginawa ng biktima ang insidente at walang foul play na nangyari.