BACOLOD CITY – Nagulungan ang ulo ng isang senior citizen matapos mabangga ng dalawang sasakyan sa lungsod ng Bacolod kagabi.
Pasado alas-8:00 kagabi nang mabangga ang biktimang si Eduardo Enriquez, 62-anyos, ng Purok Magayon, Brgy. Sum-ag habang tumatawid sa daan.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa commander ng Police Station 9 na si Police Captain Jun Ray Batadlan, sinabi nitong galing sa tindahan ang biktima at tumatawid ng kalsada nang mabangga ito.
Unang nasagasaan si Enriquez ng isang sasakyan dahilan kaya tumilapon ito sa direksyon ng isa pang sasakyan na siyang umapak sa kanyang ulo.
Ngunit kapwa tinakbuhan lamang ng dalawang sasakyan ang biktima at dumeretso sa southern part ng Negros Occidental.
Sa ngayon ay hinihintay pa ng Police Station 9 ang may-ari ng CCTV camera malapit sa pinangyarihan ng insidente upang matingnan ito at matukoy kung makakatulong ito sa kaso.