GENERAL SANTOS CITY – Desidido ang isang senior citizen na magsampa ng kaso laban sa founder ng Kabus Padatuon o KAPA na si Joel Apolinario.
Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo GenSan ang nasabing senior citizen na taga-Malungon, Sarangani province para magpasaklolo upang mabawi ang kaniyang ini-invest na P150,000 sa nasabing investment scheme.
Aniya, matagal daw nilang inipong mag-asawa ang nasabing halaga.
Subalit isang beses lamang umano silang nakapag-pay out noong buwan ng Mayo at hindi nasundan pa.
Kaya naman ang nais lamang umano nila ngayon na mabawi ang kanilang perang na-invest o donation, kahit hindi na ang interes.
Isa lamang ang nasabing matanda sa mga dumudulog sa himpilan upang magpasaklolo at mabawi ang kanilang pera sa KAPA na pinaghirapan nilang maipon.
Una nang iniutos mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasara sa nasabing investment scam.
Samantala, nagpatupad naman ng mahigpit na seguridad ang kapulisan ng GenSan para sa isasagawa umanong prayer rally ng KAPA sa Oval Plaza ngayong araw.
Ito ay upang maiwasan ang anumang untoward incident kasabay ng nasabing kilos-protesta, makaraang nagmamakaawang nanawagan si Apolinario sa kanilang mga miyembro na muli silang magkaisa upang hilingin sa Pangulo na payagang magpatuloy ang kanilang operasyon na ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC) at National Bureau of Investigation (NBI) ay iligal.