-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Matagumpay na nakapasa ang Senior Citizen’s Center ng Lungsod ng Kidapawan sa First Level Standards na itinakda ng Department of Social Welfare and Development Office o DSWD Standards Bureau na nakabase sa Quezon City.

Ito ang dahilan kung bakit itinanghal ang Senior Citizen’s Center ng Kidapawan bilang Model Senior Citizen’s Center at ginawaran ng Certificate of Accreditation na may lagda ni DSWD Undersecretary Denise Florence Bragas nito lamang nakaraang buwan ng Disyembre, 2022.

Nakasaad sa naturang certification na nakumpleto ng lungsod ang mga requirements alinsunod sa DSWD Memorandum Circular No. 17 series of 2018 at Section 23 ng Republic Act No. 4373 – “An Act to Regulate the Practice of Social Work and the Operation of Social Work Agencies in the Philippines and for Other Purposes”.

Ilan sa mga katangian ng Senior Citizen’s Center ng Kidapawan City ay ang maayos at organisadong pasilidad tulad ng Senior Citizen’s Health and Wellness Center at mga kapaki-pakinabang na serbisyo para sa mga miyembro.

Masayang tinanggap nina Senior Citizen’s Center Head Morita Gayutin at SC Special Programs Coordinator Melagrita Valdevieso. Office of the Senior Citizen’s Affair o OSCA Head Lorna C. Morales ang nabanggit na parangal kasama sina Senior Citizen’s Federation President Renato B. Torralba at City Social Welfare and Development Officer Daisy P. Gaviola, RSW.

Ilalagay ang certification sa mismong gusali ng Senior Citizen’s Center ng lungsod alinsunod sa kautusan ng DSWD Standards Bureau kung saan abot sa tatlong taon ang validity nito.

Ipinaabot naman ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang kanyang pagbati sa OSCA kasabay ang paghikayat sa lahat ng mga miyembro nito na ipagpatuloy ang matibay na samahan para na rin sa kapakanan ng mga senior citizens.

Binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga senior citizens upang makamit nila ang mga layunin ganundin ang mga pribilehiyo at karapatan ng kanilang hanay.