-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ipinag-utos na ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang pananatili ng mga senior citizens sa loob ng kanilang tahanan hanggang sa November 27.

Nakasaad sa utos ni Mayor Benjamin Magalong na epektibo na ngayon sa Baguio ang pagpapatupad ng istriktong “stay-at-home restrictions” para sa mga residente ng lungsod na edad 65 pataas.

Sang-ayon pa sa utos, puwede lamang lumabas ng kanilang tahanan ang mga senior citizen kung kinakailangan gaya ng pagpunta sa trabaho, pagpapagamot at kung wala silang non-high-risk relatives o acquaintances na tutulong sa kanila sa pagbili ng mga kailangan nila gaya ng pagkain at basic services.

Ayon kay Magalong, mula noong November 1 ay aabot na sa 44 na senior citizens ang nahawaan ng COVID-19 sa lungsod na dahilan ng pagpapalabas niya ng stay-at-home order para maprotektahan ang mga senior citizens.

Giit niya, ang mga indibidual na 65-anyos pataas ay pinaka-at risk sa mga epekto ng COVID-19 at kinakailangan ang higher degree ng medical attention para sa pag-alaga at pagrekober ng mga ito.

Sinuspindi din nito ang lahat ng mga non-work-related social gatherings at aktibidad ng mga senior citizens na 65-anyos pataas.

Giit pang muli ng Contact Tracing Czar na nirerespeto at kinikilala ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang pangangailangan at pagnanais ng mga senior citizens na makalabas ng kani-kanilang mga tahanan ngunit ipinalabas niya ang stay-at-home policy sa mga ito para din sa kanilang kaligtasan.

Sa huling tala, 540 ang active cases ng COVID-19 sa Baguio City habang 37 na ang nasawi at 2,208 ang nakarekober.