-- Advertisements --

CGMA1

Malugod na tinanggap ni Senior Deputy Speaker at dating Pangulo Gloria Macapagal Arroyo sa kaniyang bahay sa Quezon City si Croatian Ambassador to the Philippines Nebojša Koharović ng magsagawa ito ng courtesy call sa mambabatas.

Ayon kay Rep. Arroyo, lalo pang lalalim ang bilateral relations ng dalawang bansa lalo at nasa 30 taon na ang Philippines-Croatia relations.

Sa nasabing pulong, binanggit ni Arroyo na nais ng Pilipinas na manatili ang GSP-Plus (Generalized Scheme of Preferences Plus) o GSP+, isang zero duties incentive na ibinibigay ng European Union kung saan kabilang ang Croatia.

Hiniling din ng dating Pangulo ang suporta ng Croatia sa plano ng Pilipinas na maging non-government member ng United Nations Security Council para sa taong 2027-2028.

Siniguro din ni Arroyo na suportahan ng Pilipinas ang pagsali ng Croatia sa Human Rights Council.

Nangako din ang Croatia na susuporta sa bid ng Pilipinas na maging miyembro ulit ng UN Security Council.

Nakatakda namang bibisita si SDS Arroyo sa Croatia sa Hunyo, kasama ang anak na si Lourdes “Luli” Arroyo-Bernas na siyang Philippine Ambassador to Austria at ang asawa na si Atty. Mike Arroyo at ilang miyembro ng kaniyang pamilya.

Pinag-aralan din ng dalawang opisyal ang posibilidad ng pagbubukas ng Embahada ng Pilipinas sa Croatia at Croatian Embassy dito sa bansa.

Ayon sa Croatian Ambassador nasa 50,000 Filipinos ang naninirahan at nagtatrabaho sa Croatia.

Pinuri naman ni Amb. Koharovic ang mga Pinoy OFW dahil sa kanilang serbisyo sa kanilang bansa.

Tinalakay din sa pulong sa kung papaano palaguin ang trade and tourism ng dalawang bansa.