Napatay ang senior Islamic State (IS) group leader na si Abdallah Makki Muslih al-Rifa, o mas kilala sa tawag na Abu Khadija sa airstrike sa Iraq na inilunsad ng US Central Command forces (CENTCOM) sa pakikipagtulungan ng Iraqi Intelligence and Security Forces.
Isinagawa ang precision airstrike noong Marso 13, subalit ngayong araw ng Sabado, Marso 14, isinapubliko ng US Central Command ang video footage ng kanilang operasyon na kumitil sa ISIS leader.
Sa isang statement, sinabi ng US Central Command na matapos ang strike pinuntahan ng CENTCOM at Iraqi forces ang strike site at doon natagpuan ang katawan ng ISIS terrorists.
Maliban sa ISIS leader kasamang napatay sa airstrike ang isa pang ISIS operative. Kapwa nakasuot ang mga ito ng unexploded suicide vests at may mga iba’t ibang armas.
Natukoy naman ang pagkakakilanlan ng ISIS leader sa pamamagitan ng DNA match mula sa nakolektang DNA sa nakalipas na raid kung saan ito nakatakas.
Ayon kay US Central Command Commander Gen. Michael Erik Kurilla, si Abu Khadijah ay isa sa pinakamahalagang miyembro ng ISIS sa buong global ISIS organization. Nagbabala din ito na ipagpapatuloy nila ang pagpatay at paglansag sa mga terrorist organization na banta sa kanilang lupain at sa mga kaalyado at partner personnel ng Amerika sa rehiyon at iba pa.
Itinuturing din ng command si Abu Khadijah bilang Global ISIS #2 leader at Chief of Global operations and Delegated Committee Emir. Bilang Emir ng ISIS, ito ang responsable sa mga operasyon, logistics, at pagpaplano ng ISIS sa buong mundo at naga-atas sa pagpopondo para sa global organization ng ISIS.
Ayon naman kay Iraqi Prime Minister Mohammed Shia al-Sudani, itinuturing si Abu Khadija na isa sa pinakamapanganib na terorista sa Iraq at sa buong mundo.
Sinabi naman ni US President Donald Trump na ang Islamic State leader ay walang patid na tinugis ng intrepid warfighters.