-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Patay ang isang lider ng New Peoples Army (NPA) sa engkwentro ng militar sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Zaldy Gulmatico Pulido alyas Kumander Cobra, secretary ng NPA Guerilla Front 53 ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC).

Ayon kay 602nd Brigade Commander Bregadier General Roberto Capulong na tumanggap sila ng impormasyon sa presensya ng mga NPA sa Sitio Rudson Barangay Arakan Matalam North Cotabato.

Agad nagsagawa ng Law Enforcement Operation ang tropa ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion Philippine Army at 62nd Division Reconnaissance Company.

Papasok pa lamang ang mga sundalo sa kuta ng mga rebelde ay agad na silang pinaputukan gamit ang mga matataas na uri ng armas.

Dahil sa takot ng mga sibilyan ay lumikas ito patungo sa mga ligtas na lugar sa pangambang maipit sa gulo.

Tumagal ng kalahating oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig at agad umatras ang mga rebelde nang mamataan nito ang karagdagang pwersa ng militar.

Narekober ng mga sundalo ang bangkay ni Pulido at nakuha sa kanyang posisyon ang isang M16 Armalite rifle,mga bala,mga magazine,pampasabog (anti-personnel mine),mga watawat ng NPA,mga cellphone at ibang mga personal na kagamitan ng mga rebelde.

Sinabi ni General Capulong na ang grupo ni Pulido ay sangkot sa large scale extortion,heinous crimes at pambobomba.

Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng militar ang mga kasamahan ni Pulido na tumakas patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Matalam.