Pinaiimbestigahan na ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang insidenteng panghahalay sa dalawang plebo ng Philippine National Police Academy (PNPA) na naganap noong October 6, 2018.
Sa panayam kay Albayalde sa Kampo Crame bago ito umalis patungong Bicol region, kaniyang sinabi na wala pa siyang official report na natatanggap ukol dito.
Subalit inatasan na ni Albayalde ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) hinggil sa insidente.
Ayon naman kay PNPA director C/Supt. Joseph Adnol, naghain ng reklamo ang dalawang underclassmen dahil sa pinupwersa silang mag-perform ng oral sex batay sa kautusan ng kanilang upperclassmen.
Paglilinaw ni Adnol, ang dalawang plebo ang nag-perform ng oral sex sa harap ng kanilang tatlong upperclassmen batay sa kautusan ng mga ito.
Sinabi ni Adnol, sasampahan ng kasong administratibo ang tatlong inirereklamong senior cadets.
Magsasampa rin ng hiwalay na criminal case ang dalawang kadete.
Ito ang kauna-unahang insidente sa PNPA na pinupwersa ang mga plebo na mag-oral sex.
Ayon kay Albayalde dapat managot ang mga sangkot sa naturang kahalayan.
Tiniyak naman ng PNP chief kapag napatunayang nagkasala ang tatlong upperclassmen, kaniyang sisiguraduhin na masisibak sa academy ang mga ito.
Aminado si Albayalde na may natatanggap na siyang rumors ukol sa mga napabalitang panghahalay sa mga plebo.
Bago pa man ang insidente pina-relieve na ni Albayalde ang mga pulis na nakatalaga sa PNPA na may dalawang taon na kasama ang mga senior officers.
Inihayag naman nito na mananatili muna bilang PNPA director si C/Supt. Adnol hanggang sa malipat na ang PNPA sa ilalim ng PNP kasama ang PNPTI.