-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pansamantalang uupo bilang alkalde ng Bangued, Abra ang senior Sangguniang Bayan Member na si Joaquin Enrico Valera Bernos dahil sa pagkakasuspinde ng lolo at lola nitong incumbent Mayor at Vice Mayor ng nasabing bayan.

Nitong nakaraang buwan lamang nang ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang dismissal ni Bangued Mayor Dominic Valera matapos mapatunayang guilty ito sa kasong grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of service.

Nag-ugat ito sa reklamong pinahintulutan at pinadali umano nito ang mga transaksiyon ng lokal na pamahalaan sa mga kompanya na pag-aari ng kanilang pamilya, partikular ang Abra Petron at DMJS Tarpaulin Printing Shop.

Batay sa desisyon ng anti-graft body, aabot sa higit PHP 1.17-M ang halaga ng transaksiyon sa pagitan ng municipal government ng Bangued at ng Abra Petron habang aabot sa PHP 94K ang halaga ng transaksiyon sa pagitan ng nasabing munisipyo at ng DMJS Tarpaulin Printing Shop.

Samantala, ang kanyang asawa na si incumbent Vice Mayor Mila Valera ay nasuspinde ng isang taon dahil sa koneksiyon nito sa isyu.

Napatunayan ng anti-graft body na ang mag-asawang Valera ang may-ari ng gasolinahan habang ang kanilang anak at manugang ang may-ari ng printing shop.

Binigyang-diin ng Ombusdman na nasira umano ang imahe at integridad ng opisina ng nanalong alkalde dahil sa mga naging aksiyon nito at naipakita ang pag-abuso nito sa kanyang kapangyarihan.