CENTRAL MINDANAO – Sa pagnanais na mapag-alaman kung maaari ng muling mag-alaga at magparami ng baboy sa mga barangay na naapektuhan ng African swine fever (ASF) sa Kidapawan City, muling namahagi ng sentinel pigs ang Department of Agriculture (DA12) sa pakikipagtulungan ng Office of the City Veterinarian.
Ginanap ang pamamahagi sa Barangay Hall ng Brgy Sikitan kung saan 27 alagang baboy ang ibinigay para sa Barangay Gayola at 24 naman para sa Barangay Sikitan o kabuuang 51 alagang baboy para sa 17 na mga hog raisers o benepisyaryo.
Ayon kay city veterinarian Dr. Eugene Gornez, bahagi ito ng Recovery, Rehabilitation and Repopulation Assistance Program for ASF ng DA12 para sa mga hog raisers na nakaranas ng matinding pagkalugi matapos manalasa ang ASF sa kani-kanilang barangay nitong 2020.
Sa pamamagitan ng mga sentinel pigs ay malalaman kung meron pa bang ASF o virus sa lugar kung saan sasailalim ang mga ito sa obserbasyon at regular na pagsusuri ng city vet.
“Mahalaga ang pamamahagi ng sentinel pigs dahil magbibigay daan ito sa muling pag-aalaga at repopulation ng mga baboy ng mga apektadong hog raisers”, dagdag pa ni Dr. Gornez.
Matatandaang una ng namahagi ng abot sa 66 na sentinel pigs ang DA12 sa Barangay Linangkob, Kidapawan City noong September 2, 2021.
Bunga naman ito sa pagsisikap ni City Mayor Joseph Evangelista na matulungan ang mga apektadong hog raisers sa mga barangay na naapektuhan ng ASF sa pamamagitan ng maayos na koordinasyon sa DA12.
Samantala, maliban sa mga sentinel pigs, namahagi rin ang DA12 ng abot sa 54 bags ng feeds para sa mga hog raisers sa Barangay Gayola at 48 bags ng feeds para naman sa Barangay Sikitan kasama na ng ilang mga disinfectants.
Ito ay para matiyak na lalaking malusog at malayo sa sakit ang mga alagang baboy.
Magtatagal naman ng mula 3-4 na buwan ang obserbasyon o pagsusuri sa mga sentinel pigs upang matiyak na wala ng ASF sa lugar.
Kaugnay nito, hinimok ng city vet ang mga hog raisers na panatilihing malinis ang kulungan ng mga baboy lalo na ang mga pagkain at inuming ibinibigay sa mga ito.