Itinalaga bilang Philippine tourism ambassador para sa Korea ang South Korean actor na si Seo In-guk ng Department of Tourism (DOT) ngayong araw ng Biyernes, Pebrero 21.
Ginanap ang naturang awarding ceremony sa DOT penthouse sa Makati City na nagmarka naman sa mahalagang yugto ng karera ng Korean actor.
Kilala si Seo In-guk sa kanyang kahusayan sa pagganap sa mga K-drama, at nagsimula sa series drama nitong ”Love Rain” (2012) at mas lalo pang nakilala sa TV series niyang ”Reply 1997” (2012).
Ipinagpatuloy niya ang kanyang tagumpay sa mga TV series tulad ng ”Master’s Sun” (2013), ”High School King of Savvy” (2014), at The ”King’s Face” (2014).
Pinahanga rin niya ang mga K-drama fans sa kanyang mga natatanging papel sa ”Shopping King Louie” (2016), ”The Smile Has Left Your Eyes” (2018), at ”Doom at Your Service” (2021).
Samantala nakahanda na rin ang susunod nitong proyekto na isang highly anticipated series drama na ”Boyfriend on Demand”, makakasama ng Korean actor si BLACKPINK’s Jisoo.
Ngayon, bilang Philippine Tourism Ambassador sa Korea, handa na si Seo In-guk na dalhin ang mga fans sa isang hindi malilimutang paglalakbay sa kagandahan ng mga isla at lugar sa Pilipinas.
Sa kanyang malawak na impluwensya at kasikatan, isang exciting na kabanata ang nagsimula hindi lamang sa kanyang karera kundi pati na rin sa pagpapalago ng turismo sa pagitan ng Pilipinas at South Korea.