-- Advertisements --

QUETTA, Pakistan – Inako ng grupong Baloch Liberation Army (BLA) ang responsibilidad sa nangyaring pagsakalay ng tatlong armadong kalalakihan sa isang luxury hotel sa lungsod ng Gwadar, Pakistan.

Ayon kay Jihand Baloch, isang tagapagsalita ng BLA, isinagawa raw ng kanilang mga tauhan ang pag-atake dahil sa mga Chinese at iba pang mga foreign investors na nanunuluyan sa five-star Pearl Continental Hotel.

Una rito, sinabi ng militar, napatay ng mga suspek ang isa sa mga guard nang tangkain nilang pasukin ang hotel, at nakipagbakbakan pa ang mga ito sa mga security forces mula sa loob ng gusali.

Kinordon umano ng mga kinauukulan ang lugar at napaligiran ang mga nanalakay sa isang hagdan patungo sa pinakataas na palapag ng establisimento.

Nagpapatuloy naman anila ang isinasagawang security operation upang i-clear ang lugar.

Samantala, sinabi ni Balochistan Home Minister Ziaullah Langove, nailigtas din ang mga guests sa hotel, na mayroong 114 kwarto.

Hindi naman matukoy ngayon ng mga otoridad kung mayroon pang karagdagang mga casualties.

Ani Langove, batay sa mga inisyal na ulat ay mayroon umanong mga nasugatang indibidwal sa kasagsagan ng putukan. (Reuters/ Al Jazeera)