ROXAS CITY – Isinailalim na sa quarantine sa isang ospital sa Roxas City ang isang Serbian national na ikapitong patient under investigation (PUI) ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa Capiz.
Kinumpirma ng Provincial Health Office (PHO) Capiz ang suspected case ng COVID-19 na isang 80-anyos na Serbian na nanirahan sa Hong Kong sa loob ng 40 taon at dumating sa Roxas City nitong buwan para magbakasyon.
Nabatid na nakaramdam ang nasabing PUI ng pag-ubo na sinundan ng lagnat at hirap sa paghinga.
Kaagad itong nagpunta sa ospital para magpa-check up at inabisuhan na magpa-admit na at sumailalim sa quarantine dahil nagmula ito sa bansa kung saan marami ang naitalang kaso ng COVID-19.
Nakatakdang ipadala naman sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang specimen katulad ng nasopharyngeal at oropharyngeal swab na kinuha sa nasabing dayuhan.