Inanunsiyo ng Presidential Communications Office (PCO) na maaaring makapag-avail ang publiko ng iba’t ibang serbisyo ng mga ahensiya ng gobyerno kapag sila ay dadalo sa idaraos na “Bagong Pilipinas” kick-off rally sa Quirino Grandstand sa lungsod ng Maynila bukas, Enero 28.
Nakahanda din aniyang i-accommodate sa Serbisyo Fair ang inaasahang libu-libong Pilipino na dadalo sa naturang event.
Subalit ang mga nais na makapag-avail ng mga serbisyo ay dapat munang magparehistro sa bagongpilipinastayo.com.
Sa kasagsagan din ng naturang Serbisyo fair, makakatanggap ng payouts ang mga nauna ng natukoy na mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Magbibigay naman ang Government Service Insurance System (GSIS) ng eCard enrollment, verification of record, loan application at housing programs habang ang magbibigay naman ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng registration at enrollment services kasama na ang pagbibigay ng impormasyon at iba pang mga benepisyo.
Sa Pag-IBIG Fund naman, magbibigay ito ng membership registration services, multi-purpose loan applications, claims applications, housing loan program, modified Pag-Ibig 2 (MP2) special savings program, HEAL Program, at inquiries sa iba pang mga benepisyo at mga programa.
Sa Social Security System (SSS) naman mag-aassist ito sa online transactions, claims, inquiries, at record verification.
Magbibigay naman ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng civil registration services gayundin ang pagpaparehistro sa Philippine Identification System at issuance ng ePhilID.
Ang National Bureau of Investigation (NBI) naman ay mag-iisyu ng NBI clearance nang libre para sa mga first-time job seeker.
Sa PNP naman, magbibigay ito ng License to Own and Possess Firearm (LTOPF), magiisyu ng police clearances nang libre para sa first-time job seekers, drug tests, neuropsychiatric tests, notary at gun safety seminar.
Ayon sa PCO, layunin ng naturang rally na pasidhiin pa ang pag-asa at magbigay ng inspirasyon sa pamamagitan ng pakikilahok ng bawat Pilipino sa pagbuo ng mas magandang Pilipinas sa pamamagitan ng kolektibong aksiyon.