-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nakatakda ngayong ilunsad sa sampung mga barangay ng lalawigan ng Cotabato ang Sebisyong Totoo Caravan, isang programa sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na may layuning sugpuin ang insurhensiya.

Sa pagpupulong na ginanap sa Capitol Provincial Rooftop, Amas, Kidapawan City na pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Cotabato LGOO-VIII Inecita Kionisala iprinisenta nito sa miyembro ng Provincial Task Force ELCAC ang Executive Order No. 37 na nag-aatas ng pag re-organisa ng PTF-ELCAC sa probinsya, nagbigay rin ng updates ang Provincial Engineer’s Office (PEO) hinggil sa status ng mga proyektong ipinatupad sa ilalim ng Support to Barangay Development Program ng NTF-ELCAC.

Pinagtuunan din ng pansin sa nasabing pagpupulong ang muling paglulunsad ng serbisyo caravan sa sampung conflict-affected barangays ng probinsya na pupuntahan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan simula ngayong Huwebes, Agosto 11, 2022 upang hatiran ng mga pangunahing serbisyo na kanilang kailangan.

Kabilang sa mga barangay na unang makikinabang sa Serbisyong Totoo Caravan ng PTF-ELCAC ay ang sumusunod: Brgy. Tuburan, Tulunan, Brgy. Salat at F. Cajelo President Roxas, Malire at Kiyaab, Antipas, Kauswagan, Magpet, Anapolon, Arakan, San Isidro, Kidapawan City, New Bulatukan at Cabilao, Makilala.

Sa muling pagbabalik ng serbisyo caravan umaasa si Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza na maging daan ito upang maayos na matugunan ang pangangailangan ng mga conflict-affected barangays ng lalawigan at tuluyan ng mawakasan ang insurhensiya.

Dumalo rin sa nasabing pagpupulong sina Board Members Jomar Cerebo, League of the Municipal Mayors-Cotabato Chapter President Pres. Roxas Municipal Mayors Jonathan Mahimpit, AFP and PNP Officials, barangay officials, at iba pang stakeholders.