-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Masayang ibinahagi ng mga evaluators mula sa Galing Pook Foundation ang balitang kabilang sa Top 30 ang programang Serbisyong Totoo Entrepreneurial Program (STEP) ng pamahalaang panlalawigan mula sa 198 na mga entries ngayong taon sa buong bansa.

Sa kauna-unahang ebalwasyon na ginanap sa Provincial Governor’s Office, iprinesinta ni Sangguniang Kabataan Provincial Federation President Sarah Joy Simblante bilang representante ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa mga evaluators ang mga nagawa ng STEP program at kung paano ito nakakatulong sa bawat Cotabateño na naging benepisyaryo ng nasabing programa.

Ang Serbisyong Totoo Entrepreneurial Program o STEP ay isang programang sinimulan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza noong 2014 kung saan naglalayon itong mabigyan ng mga ayudang pangkabuhayan ang mga kwalipikadong Cotabateño na nangangailangan ng dagdag puhunan para sa kanilang mga munting negosyo.

Humanga naman ang dating alkalde ng Siayan, Zamboanga Del Norte na si Mayor Flora Villarosa na isa sa mga evaluator na bumisita sa lalawigan kasama si Mr. Adrian Adove ang Program Officer ng Galing Pook sa kakayahan at posibilidad na masungkit ng lalawigan ang nasabing parangal.

Ang Galing Pook ay isang institusyon na nagtataguyod at kumikilala sa kahusayan sa lokal na pamamahala ng mga Local Government Units (LGU) sa buong bansa.

Pinagsisikapan ngayon ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang Provincial Cooperative Development Office (PCDO) na maging maayos at aabot sa top 10 ang STEP program ng lalawigan upang makamit muli ang parangal para sa probinsya ng Cotabato.