CENTRAL MINDANAO-Sa layuning tiyakin ang kaligtasan ng bawat Cotabateño, inilunsad ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang Intensive Covid-19 Vaccination Drive sa bayan ng Aleosan, Cotabato.
Sa aktibidad mismong ang Integrated Provincial Health Office (IPHO) ang bumaba sa sampung barangay ng Aleosan upang ihatid ang libreng pagbabakuna sa mga residenteng hindi pa nabakunahan o nais tumanggap ng booster shot.
Sa direktiba ni Governor Emmylou Taliño-Mendoza, bumuo ng sampung medical teams ang IPHO na siyang naatasang maglibot sa sampung barangay ng Aleosan gamit ang 10 ring ambulansya ng pamahalaang panlalawigan.
Kabilang sa mga barangay ng Aleosan na napuntahan ng serbisyong totoo vaccination team ngayong araw ay ang mga sumusunod: Brgy. Lawili, New Panay, Upper Mingading, Lower Mingading, Pagangan, Matapang, Sta. Cruz, New Leon, Luanan at Brgy. Tomado.
Layunin ng nasabing intensibong pagbabakuna na pataasin ang vaccination rate mula sa 59.60% hanggang 70%, ihanda ang mga estudyante sa nalalapit na pagbubukas ng face-to-face classes sa darating na pasukan at maging protektado rin ang mamamayan ng probinsya lalo na ngayong mas maluwang na quarantine restrictions na ang ipinapatupad sa buong Pilipinas.
Isa rin sa inisyatibong inilatag ni Governor Mendoza upang mahikayat ang lahat na magpabakuna ay ang paglalaan ng P20M budget kung saan bibigyan ng P200.00 cash incentives ang lahat ng mga indibidwal na makakakumpleto ng kanyang 2nd dose.
Sa inisyal na datus na isinumite ng IPHO, abot sa 503 ang kabuoang bilang mula sa nasabing barangay ang nagpabakuna ng 1st and 2nd dose pati na rin ang booster shots ngayong araw.
Katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa bakunahan ang ilang kawani ng pamahalaang lokal ng Aleosan, Aleosan Rural Health Unit, Health volunteers, Barangay Health Workers (BHW), at Philippine National Police (PNP).
Aasahang sa mga darating na araw ay magsasagawa din ng kaparehong aktibidad ang pamahalaang panlalawigan sa 14 na mga munisipyo ng probinsya na hindi nakakaabot sa 70% vaccination target.