CAUAYAN CITY- Nasaksihan mismo ng Provincial Tourism Officer ng Isabela ang pagbaliktad ng service vehicle ng Department of Public Works and Highways (DPWH) region 2 sa barangay Paragu, Tumauini Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr.Troy Miano, Provincial Tourism Officer ng Isabela, sinabi niya na kitang kita nila kung paano bumaliktad ang SUV na pag-aari ng DPWH.
Aniya binabagtas nila ang naturang daan at patungo sana sa Sta. Maria, Isabela nang biglang mag-over take ang sasakyan ng DPWH sa pakurbadang bahagi ng kalsada.
Aniya, dahil hindi nakapag-menor ay hindi nito kinayang makabalik sa linya na naging sanhi para tumaob ang sasakyan bago dumiretso sa maisan.
Ayon kay Dr. Miano agad silang tumulong para maibaba ang mga dalawang lalake at isang babae lulan ng SUV ng makita nilang tumaob ang sasakyan.
Dahil mula sa regional office ang tsuper ng service vehicle inamin nito na hindi niya kabisado ang naturang kalsada.
Sila na rin ang tumawag ng rescue,para gamutin ang natamong sugat sa katawan bago iniulat ang pangyayari sa MDRRMC.
Sa kanyang pagsasalarawan nayupi ang bahagi ng passenger seat dahil sa pagkakataob ng sasakyan kung saan nakaupo ang dalawang lalake habang nasa likurang bahagi naman ng SUV ang isang babae.
Naniniwala si Dr. Miano na hindi sana tataob ang sasakyan kung normal lamang ang pagpapatakbo ng tsuper at kung hindi sana nag-over take sa kanilang sasakayan.
Paalala ni Dr. Miano sa mga motorista na maging maingat at responsable sa pagmamaneho lalo kung hindi kabisado ang daan.