-- Advertisements --

CEBU CITY – May dala umanong positibong epekto ang serye ng mga lindol na tumama sa magkaibang bahagi ng bansa mula nitong Lunes.

Matatandaang niyanig ng magnitude 6.1 na lindol ang Zambales nitong Lunes, samantalang binulabog ng mas malakas na 6.5 magnitude na pagyanig ang Eastern Samar nito namang Martes ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu, sinabi ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs)-7 officer-in-charge Robinson Giorgio, taliwas sa takot ng naramdaman ng karamihan, sinabi ni Giorgio na may positibo umano itong epekto, gaya ng mas mapa-practice pa umano lalo nang maayos ang isinasagawang mga earthquake drill sa bawat establisimento.

Aniya, hindi sa lindol umano natatakot ang mga tao kundi takot itong masira ang kanilang bahay at masira ang mga building na kanilang kinaroroonan.

Kaya naman, isang malaking leksyon umano ito sa tao para mas pagtibayin pa ang kanilang mga bahay para hindi ito kaagad na masira sakaling magkaroon ng pagyanig.

Dagdag pa ni Giorgio na natural lamang ang lindol at dahil dito ay nalilikha ang mga isla at mga coastal uplift.