-- Advertisements --

Libu-libong katao sa France ang nagsagawa ng kilos-protesta upang ihayag ang kanilang pagtutol sa panukalang global security law.

Laman kasi ng nasabing panukala ang pagbabawal sa sinuman na kunan ng video o larawan ang mga on-duty na police officers.

Ang mga lalabag umano ay mahaharap ng hanggang sa isang taong pagkakabilanggo at may multang $53,840.

Sa Paris lamang, sinabi ng interior ministry na tinatayang nasa 46,000 katao ang nakilahok sa demonstrasyon, na naging mapayapa ngunit may mangilan-ngilang karahasan na naitala.

Ilan kasing mga ralyista ang namato sa pulis, na gumanti naman sa pamamagitan ng paghahagis ng tear gas.

Maliban sa Paris, nagtipon-tipon din ang mga ralyista sa Bordeaux, Lille, Montpellier, Nantes at iba pang mga siyudad sa France.

Una rito, tinuligsa ng mga kritiko ang naturang panukala, na minamaliit umano ang press freedom.

Pero giit naman ng gobyerno, malaking tulong daw ito sa mga pulis upang mapangalagaan ang mga ito laban sa online abuse. (BBC/ CNN)